'Yung akala mo eh matapang na Pangulo, duwag naman pala,' - De Lima

'Yung akala mo eh matapang na Pangulo, duwag naman pala,' - De Lima


Tinawag ni Senador Leila De Lima si Pangulong Duterte na duwag sa hindi pagharap nito sa mga akusasyon na nakatalaga sa kanya, lalo na ang kontrobersya na nakapalibot sa kanyang mga account sa bangko.

Sa isang sulat na binasa sa isang protesta na tinawag na "Pirma Hindi Porma" sa University of the Philippines sinabi ni De Lima na maaaring maging matigas ang Pangulo sa kanyang mga kritiko, ngunit nagiging tahimik pagdating sa kanyang mga kontrobersiya.

'Yung akala mo eh matapang na Pangulo, duwag naman pala,' -matapang na pahayag ni De Lima kay Pangulong Duterte.

Patuloy pa rin ang Senadora sa pambabatikos nito sa Pangulo, kasabay nito ang panawagan na pirmahan na nito ang bank secrecy waiver.

"Ginoong Duterte: 'Wag kang magkubli sa kasinungalingan mo. Kung talagang wala kang itinatago sa Pilipino: Pirma, hindi porma," -pahayag ni De Lima.

Iginiit nito at ng kanyang mga kaalyado na ang kasong may kinalaman sa droga na isinampa laban sakanya ay walang katotohanan. Ito ay upang patahimikin lamang ang Senadora, na pinakakilala bilang numero unong kritiko ng Pangulo.

“Kung gaano kadaldal si Duterte sa pagbibintang, pagbabanta at pananakot sa kanyang mga kritiko, ganoon naman siya katahimik sa pagsagot sa mga akusasyon laban sa kanya ng katiwalian. 'Yung akala mo eh matapang na Pangulo, duwag naman pala,”.-pahayag n De Lima 



“Duwag na pirmahan ang waiver para maisapubliko ang kanyang bank accounts, at malaman ang totoo. Duwag na tanggapin na palpak ang kanyang war on drugs na pumatay na ng mahigit 13,000 na mahihirap na Pilipino, at dinamay pa ang mga inosenteng bata. Duwag na harapin ang kanyang mga kritiko, kaya umaasa sa pambabastos at pag-iimbento ng kuwento para malihis ang atensyon ng mga Pilipino,”. -dagdag pa ni De Lima.

Matatandaan na ibinasura ng Korte Suprema kamakailan ang petisyon ni De Lima laban sa kanyang arrest order dahilan upang s'ya ay manatili sa loob ng selda. Sinabi ni De Lima na maghahain siya ng motion for reconsideration, kahit na pinasalamatan niya ang 6 na mahistrado na bumoto sa kanya.

Binatikos din nito ang Pangulo tungkol sa pag atake nito kay Chief Justice Maria Lourdes Sereno, Ombudsman Conchita Carpio Morales, at Commission on Human Rights Chair Chito Gascon.

“Nasosobrahan na yata sa paglanghap ng Fentanyl itong si Duterte,” -ayon kay De Lima.

Sumunod na batikos ni De Lima sa Pangulo ay ang kanyang kamakailang mga pahayag, na ginawa sa maling pahayag nito laban sa mga Ambassador ng European Union at ng United Nations.

"Sayang ang inilobong bilyon-bilyong intel funds ng Malacañang, kung mali-maling impormasyon lang din pala ang naibubulong kay Duterte," -dagdag pa ni De Lima.

Ayon kay De Lima na ang pagpuna at mga komento laban sa kasalukuyang administrasyon ay hindi katumbas ng destabilisasyon.

“Sagutin na lang niya ang pinanggagalingan ng kritisismo, hindi puro pagmumura, pananakot at pagbabanta ang paborito niyang gawin." -pahayag ni De Lima.

Source: Rappler.com
Previous
Next Post »
0 Komentar