Department of National Defense (DND) handang idepensa ang ML extension sa Korte Suprema


Nakahanda ang Department of National Defense (DND) sa posibleng pagharap sa Korte Suprema para ipaliwanag ang pangangailangan na palawigin ang Martial Law sa Mindanao.

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, sa kabila ito na ang tanggapan ng Solicitor General ang may pangunahing tungkulin na depensahan ang posisyon ng pamahalaan sa Kataas-taasang Hukuman sa isyu ng Martial Law sa Mindanao.

Nakahanda naman ang DND na magbigay ng pahayag sa Korte Suprema kung sila ay ipapatawag.

“Yes we are already preparing, we will follow the same argument that we did in July when we go to the Supreme Court to defend the extension of Martial Law from July to December 31st,” sabi ni Lorenzana.

Paliwanag ni Lorenzana, ang pagrekomenda ng military defense establishment na i-extend ng isang taon ang pagpapairal ng Martial Law sa Mindanao ay nakabatay sa nagaganap na patuloy na rebelyon sa lugar.

Mayroon pa aniyang binubuo ang mga kalaban ng estado upang magplano ng panibagong panggugulo sa ibang siyudad sa Mindanao matapos ‘di magtagumpay sa Marawi siege.

Aniya, ang pangunahing layunin ng pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao ay upang tapusin ang banta ng ISIS sa bansa.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment