Saturday, February 24, 2018

ALAMIN | Ano nga ba ang Tourette syndrome na napagkakamalang mannerism?


Nag-viral kamakailan ang post ng isang pasahero tungkol sa isang Uber driver na may kakaibang ikinikilos habang nagmamaneho. Nangamba raw ang pasahero noong una at inisip na magpababa na lang hanggang sa nabasa niya ang placard na nasabit sa upuan tungkol sa "Tourette syndrome" na taglay ng driver.

Sa programang "Mars," nakapanayam ng mga host na si Camille Prats at Suzi Entrata-Abrera, ang naturang driver na may Tourette syndrome na si Marlon Fuentes, kasama ang kaniyang maybahay na si Rio.

Ipinaliwanag ni Marlon na ang Tourette syndrome ay isang neurological disorder kung saan ang tao ay nakakagawa ng mga "involuntary movements" kasama ang "motor" at "vocal."

Kuwento niya, noong bata siya ay papikit-pikit lang ang kaniyang nararanasan na inakala niyang mannerism lang. Pero habang tumatagal, madagdagan na ito ng iba pang mga paggalaw sa kaniyang mukha at ulo.

Ayon pa kay Marlon, hindi niya alam na kinunan ng litrato ng kaniyang pasahero ang inilagay niyang placard.

"Kaya ko nilagay yung placard, ang intensyon ko lang kasi laging pinapaliwanag ko lang kasi baka natatakot po sa akin kasi mayroong Tourette syndrome po ako," kuwento niya.

"Kasi nung wala pa yung placard na 'yon yung mga 'pag sumakay, nakita ko sa salamin parang tingin nila sa akin parang natatakot sila," dagdag ni Marcos.

Ngayon, nakikita na raw niya ang mga pasahero niya na nakangiti na kapag nabasa na ang inilagay niyang placard.

Hindi naman daw nakakaapekto ang mga involuntary movements sa pagmamaneho ni Marlon.

Inihayag ni Marlon na gusto niya sanang makita at maisakay muli ang pasaherong nag-post sa social media tungkol sa kaniyang kondisyon para makapagpasalamat.

Dahil daw dito, mas maraming tao ang nakaalam tungkol sa Tourette syndrome.
Napag-alaman din na labing-limang taon nang nagsasama sina Marlon at Rio, at nabiyayaan na sila ng dalawang anak.

At sa kanila ng kondisyon ni Marlon, sinabing proud ang mga bata sa kanilang ama na kumakayod para sa kaniyang pamilya.

Ang mga bata na rin umano ang nagpapaliwanag sa kanilang mga kaibigan na nakakakita sa kakaibang kilos ng kanilang ama.

Nagpasalamat si Marlon sa kaniyang misis dahil tinanggap siya sa kabila ng kaniyang kalagayan.

Panoorin ang buong talakayan ng "Mars" at nang maunawaan pa ang tungkol sa Tourette syndrome.


 GMA News

Related Articles

ALAMIN | Ano nga ba ang Tourette syndrome na napagkakamalang mannerism?
4/ 5
Oleh

SUBSCRIBE

Like the article above? Please subscribe for free via email