Cardinal Tagle, ‘Walk For Life’ mensahe para sa mga biktima ng patayan


Panawagan kontra sa umano'y walang habas na pagpatay ang isinigaw ng mga dumalo sa "Walk For Life" nitong Sabado.

Ito na ang ikalawang taon ng pagtitipon na nagsusulong na imulat ang mga tao sa kahalagahan ng buhay at pagkundena sa anumang uri ng pagpatay.

Pasado alas-4 ng umaga sinimulan ang lakad sa Quirino Grandstand sa Maynila.


Ginawa ito sa gitna ng iba-ibang "banta" sa buhay, kabilang ang abortion at ang panukalang batas na nagpapataw ng parusang kamatayan.

Habang naglalakad, nag-alay ng panalangin ang mga lumahok, kabilang ang aktres na si Cherry Pie Picache na isang pro-life and anti-death penalty advocate.

Hinarap naman ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang ilang miyembro ng pamilyang biktima ng umano'y extrajudicial killings.

Isa na rito si Nanette Castillo na palaging sumasama sa mga naturang pagtitipon matapos mapatay ang kaniyang anak sa gitna ng kampanya kontra droga ng pamahlaan.

"Ipinaglalaban ko ito, itong karapatan ko na ito na malaman kung bakit nila pinatay ang anak ko . . . Wala silang karapatang pumatay," giit ni Castillo.

Sa kaniyang homily sa misa, pinaalala ni Cardinal Tagle ang pagpapahalaga sa buhay.

"Tayo ay isang pamilya at sama-sama tayong naglalakad. At hindi tayo titigil maglakad para sa buhay . . . Ang buhay ay regalo, ito ay huwag nating balewalain," aniya.

Sabay namang idinaos ang Walk For Life sa iba pang bahagi ng bansa.

Source: ABS-CBN
Previous
Next Post »
0 Comment