Dalawang opisyal na balakid sa pagpasok ng third telecom player, Sisipain sa pwesto


PINAHAHANAPAN na ng kapalit ng isang kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte sina National Telecommunications Commission (NTC) Commissioner Gamaliel Cordoba at Department of Information and Communications Technology (DICT) officer-in-charge Undersecretary Eliseo Rio Jr. 

Iginiit ito ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro dahil mistulang balakid aniya ang dalawang opisyal sa pagpasok ng third telecom player para sa hangarin ng Pangulo na mapabilis ang internet sa bansa.


Imbes na mapabilis ang pagpasok ng bagong telco ay kung ano-ano pa aniya ang hinihirit nina Cordoba at Rio kahit nag­labas na ng direktiba si Pangulong Duterte na apurahin na ang pagpasok ng pangatlong telco at pinagdiinan pa na wala na dapat humarang pa dito.

Noong 2009 pa nakapuwesto si Cordoba sa NTC matapos italaga ng dating pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo. Ina­prubahan naman ni Pa­ngulong Duterte ang re-appointment ni Cordoba bilang NTC chief noong Hulyo 2016.

Ang mga pahayag ni Castro laban kay Cordoba ay kaugnay sa ulat na sinusuportahan nito ang posisyon ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan, chairman at chief executive officer ng PLDT-Smart, na isasauli nito ang 3G frequency na libreng ibinigay ng gobyerno sa kanyang kompanya su­balit kailangan umanong bayaran ito.

Pero, tila wala naman aniyang nagawa ito para mapahusay ang serbisyo ng Smart at Globe.

“Tama na, tanggalin na sa NTC si Cordoba. Inu­til din dahil ‘di ma-regulate at mapaayos ang service ng Globe and Smart. Inefficient din,” komento ni Castro.


Ikinagalit ito ni Pa­ngulong Duterte dahil ibinigay umano sa kanila nang libre ang frequency kung kaya’t dapat isauli na walang babayaran. Binigyang-diin pa umano ng Pangulo sa kanyang cabinet meeting noong nakaraang linggo na hindi dapat gamitin ang isyu ng frequency bilang ‘bargaining chip’ para hadlangan ang pagpasok ng bagong telco player sa bansa.

Kailangan ng pamahalaan ang 3G frequency para makapag-operate ang papasok na bagong telco player upang mabasag ang duopoly ng Smart at Globe sa industriya ng telekomunikasyon ng bansa.

Kinabukasan, matapos pumutok ang balita na nagalit ang Pangulo ay ini­hayag ng kampo ni Pangilinan na ibabalik nito ang 3G frequency na hindi na kailangan pang bayaran sa kanila.

Samantala, diskumpiyado rin ang kongresista kung may ibubuga ba si Usec. Rio bilang pinuno ng DITC.

“…Si Rio mukhang wala ring kakayahan, kapasidad mamuno sa DICT,” dagdag ni Castro.

Reaksyon ito ng mambabatas kaugnay din sa ulat na nasermonan din si Rio dahil tila inaantala nito ang pagpasok ng third telco player.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment