Pangulong Duterte, dinuro si MVP dahil sa bagong telco player


Isiniwalat kahapon ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Officer-in-Charge Undersecretary Eliseo Rio Jr. sa Facebook page nito na matapos umano silang mag-usap ni Pangilinan ay nagpasya itong ibalik sa pamahalaan na hindi na kinakailangan pang bayaran ang frequencies na nakuha ng PLDT Inc. nang libre para mai-award sa bagong telco player.
Si Pangilinan ang president at chief executive officer ng PLDT Inc.


Nabahag ang buntot ng business tycoon na si Manny V. Pangilinan matapos butatain ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte sa isyu ng bagong telco player na nais nitong makapasok sa bansa upang mapabilis ang internet service sa Pilipinas.

“After talking to MVP yesterday, PLDT will return the CURE frequencies at absolutely no cost, that can now be awarded to the New Telco Player (NMTP), as per instruction of PRRD (President Rodrigo Roa Duterte),” sabi ni Rio.

Ibinahagi pa ni Rio ang impormasyon na noong 2005 ay nagkaroon aniya ng “beauty contest” ang Natio­nal Telecommunications Commission (NTC) para i-award ang limang available 3G slots nito. Apat na telco lang ang nag- qualify at binigyan ng sumusunod na 3G frequency bands: Smart/PLDT 15 megahertz, Globe 10 MHz, Sun 10 MHz, at Cure 10 MHz.

May “un-awarded 5th 10 MHz slot” aniya na hinabol sa korte ng mga natalo at kasalukuyan pang nakabinbin sa Supreme Court ang kaso nito.

Noong 2007 naman ay binili ng Smart/PLDT ang Connectivity Unli­mited Resources Enterprises (CURE) at nag-­operate ng isa pang telco sa ilalim ng brand name na RED Mobile.

Bago pa nag-usap sina Rio at Pangilinan ay nagbabala na si Pa­ngulong Duterte noong Martes sa mga kumokontra at humaharang sa pagpasok ng bagong telco player.

Nagbanta pa ang Pangulo na ipahahalungkat sa Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga libro ng dalawang ma­laking telecom companies sa bansa para ma­laman kung tama ang binabayarang buwis ng mga ito sa gobyerno.

Ipinahayag ni Pre­sidential Spokesman Harry Roque na nagalit ang Pangulo sa report na pinababayaran sa gobyerno ang frequency na ibinigay nang libre sa isang kompanya para maibigay sa bagong telco player kung kaya’t nagbanta ito na huwag siyang susubukan.

Base sa report, gusto umano ni Pangilinan na bayaran ng bagong telco player ng P3 bilyon ang PLDT sa mga ipinuhunan nito sa CURE.

Kahapon ay inihayag ng Malacañang na nagpasalamat naman si Pa­ngulong Duterte matapos makarating sa kanyang kaalaman ang desisyon ni Pangilinan na ibalik ang frequency na ibinigay ng gobyerno sa PLDT.


“The President said that he is thankful for PLDT’s cooperation dahil naintindihan naman ng Pangulo. Malinaw sa Pangulo na itong pagkakaroon ng third telecom carrier ay makikinabang ang bayan. Alam na po ng Pangulo, nagpasa­lamat po… Ang ikinaga­galit lang kasi ng Presidente bakit kailangang bilhin samantalang libreng ibinigay ng gobyerno, pero ngayong nagbalik na po, all is well,” sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Hindi ito ang unang pagkakataon na binangga ni Pangulong Duterte ang mga higanteng kompanya at business tycoons sa Pilipinas para sa interes ng samba­yanang Filipino.

Nauna kay Pangi­linan ay siningil ng Pa­ngulo ang pagkakautang ng Philippine Airlines na pinamumunuan ni Lucio Tan Sr. Binayaran ni Tan ang matagal nang utang sa gobyerno na hindi nagawa ng mga nagdaang administrasyon.

Tinarget din ng galit ni Pangulong Duterte ang Mighty Corporation kung kaya’t inayos din nito ang obligasyong pinansiyal sa pamahalaan.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment