Tuesday, February 13, 2018

Pangulong Duterte, nagbabala sa Kuwait ng karma sa pang-aabuso sa mga OFW


Dahil sa pang-aabuso at pagmamaltrato sa mga overseas Filipino worker, nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kuwait tungkol sa karma.

“Ang mundo umiikot. Minsan 'yan mabilis, baka mag-abot 'yan na tinatawag na karma. When the time comes, you will remember us,” pahayag ni Duterte sa kaniyang talumpati nang salubungin ang mga dumating na OFW mula sa Kuwait sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 nitong Martes.

Binanggit din ni Duterte ang ginawang pagpapadala ng Pilipinas ng tropa na kinabibilangan ng mga duktor at nurse sa Kuwait nang salakayin sila noon ng Iraq.

"Ito ba ang kabayaran sa hirap na ginawa namin para sa inyo? Is this the way you repay us? Ano'ng nagawa ng Pilipinas sa inyo? Nagsisilbi, tapos inaabuso ninyo,” dagdag ng pangulo.

Nasa nasabing pagtitipon ang 116 OFWs na dumating mula sa Kuwait. Tumanggap sila ng tig-P15,000 na cash assistance at grocery bags mula sa pamahalaan.

Inaasahan na mayroon pang 150 OFWs na darating ngayong Martes ng gabi.

Kabilang sila sa mga undocumented at overstaying OFWs na sumailalim sa amnesty program ng Kuwait na nagsimula noong Enero 29 at magtatapos sa Pebrero 22.

“Kuwait’s amnesty program covers residence violators, those with absconding cases, and jailed due to expired visas,” ayon sa pahayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Kasabay nito, pinasalamatan ng pangulo ang Philippine Airlines at Cebu Pacific sa pagsasagawa ng special flights para maiuwi sa Pilipinas ang mga OFW.

“In behalf of our countrymen, salamat po. I will remember you for all time,” sabi ni Duterte.

Nito lang Lunes, idineklara ng pamahalaan ang total ban sa pagpapadala ng mga OFW sa Kuwait.

Ilang OFW din na nagbabakasyon lang sa Pilipinas at babalik na sana sa Kuwait ang pinigilang makaalis.

Para matulungan ang mga apektadong OFW, inatasan ng pamahalaan ang mga kinauukulang ahensiya na hanapan ng ibang mapagtatrabahuhan ang mga ito sa mga bansang lumagda sa International Labour Organization (ILO) na nagbibigay proteksyon sa migranteng manggagawa.

Source: GMA

Related Articles

Pangulong Duterte, nagbabala sa Kuwait ng karma sa pang-aabuso sa mga OFW
4/ 5
Oleh

SUBSCRIBE

Like the article above? Please subscribe for free via email