Panoorin | 65-anyos na kasambahay, 'minaltrato, ikinulong ng 23 araw ng kanyang amo


Inireklamo ng isang 65-anyos na kasambahay sa Quezon City ang kaniyang amo dahil sa umano'y pagmamaltrato at pagkulong sa kaniya sa bahay ng 23 araw.

"Tanga ba ako? Ayoko, ayoko sumama, ayoko na doon... Nagtiis ako ng apat na taon... Ayoko sumama kaya ako nagpa-rescue," umiiyak na pakiusap ng biktima sa mga tauhan ng barangay Bahay Toro.


Biyernes na-rescue ang kasambahay na si Lilia Macabasag mula sa bahay ng kaniyang amo sa Congressional Village matapos makatanggap ng tawag mula sa concerned citizen hinggil sa kaniyang kalagayan.

Ayon kay Connie Malilin, Women's Desk Officer ng barangay, 23 days nakulong ang kasambahay.

"Hindi porke kasambahay puwede na saktan o maltratuhin. Sana mamulat ang mga amo na may pagkakamali man (ang kasambahay), gawin ang tamang proseso," ani Malilin.

"Itinawag sa amin. Noong unang punta namin, naka-double lock ['yung pinto]. Mayroon naman tayong mga home for the aged... Hindi naman hayop 'yun, tao 'yun, para ganunin," giit naman ni Roberto Marcelo, kagawad ng nasabing barangay.

Apat na taong nanilbihan si Macabasag sa pamilyang umabuso umano sa kaniya.

Kuwento niya, masakit ngayon ang tuhod at likod niya dahil umano sa pananakit sa kaniya ng mga amo.

Hirap siya ngayon sa paglakad matapos mahulog nang itulak umano ng apo ng kaniyang amo.

"Sinakal ako dahil sa kalan... 'Pag mali ang ginawa ko, sinundot ang mata ko, sabi ko 'Diyos ko, Diyos ko ano nangyayari sa akin? Wala naman akong kasalanan, bakit ako kinulong?' Kasi nakapagkuwento ako," ayon sa biktima.

Ayon sa presidente ng homeowners association, noong 2016 pa nagsumbong ng pangmamaltrato si Macabasag.

"May binanggit siya na she was being maltreated pero hindi ko sineryoso that time kasi nakita ko naman ang amo niya parang mabait... Only last Thursday, we found out she was locked up. Gutom na raw siya, wala na siyang pagkain," ani Cesar Goyenechea, presidente ng homeowners association.

Nasa ospital ang amo ng biktima na si Ernesto Dajose pero pumunta naman sa barangay ang apo at assistant ng amo.

Tumangging magpa-interview ang apo ng amo ni Macabasag.

"Gusto ko siya na makulong siya, may karapatan ako na makulong siya," giit ni Macabasag.

Tiniyak ng barangay na tutulungan nila si Macabasag na makuha ang kaniyang suweldo at sampahan ng kasong pang-aabuso at illegal detention ang mga amo.

Source: GMA
Previous
Next Post »
0 Comment