Friday, February 23, 2018

Panoorin : Estudyante na umano'y dinukot sa Pangasinan, nagkamalay sa Quezon City


Isang 17-anyos na estudyanteng lalaki ang dinukot umano habang papasok sa paaralan sa Lingayen, Pangasinan at dinala sa Quezon City. Sa bayan naman ng Pozorrubio, isang 16-anyos na babaeng estudyante ang muntik din umanong dukutin ng armadong lalaki.

Sa ulat ni Alfie Tulagan sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Biyernes, sinabi ng biktimang itinago sa pangalang "Patrick," na naglalakad siya papasok sa eskwelahan noong Lunes ng umaga sa Solis St., Poblacion nang sabayan siya ng mga salarin.


"Patawid na ako noon, then sa likod ko, may parang sumasabay sa akin and pagkatapos nag-spray siya ng pabango niyang ang tapang. Hindi ko na alam, nahilo na ako," kuwento ng biktima.

Pagsapit ng hapon ng Lunes, nagkamalay siya sa isang gilid sa Cubao, Quezon City. Nalaman daw niya na nasa Cubao siya dahil sa nabasa niyang mga signage.

Wala na rin umano ang kaniyang relo, wallet at cellphone.

Dahil walang pera, umiiyak umanong nagpalipas ng gabi sa kalsada si Patrick.

Kinabukasan ay naghanap daw siya ng terminal ng bus patungong Lingayen at nakauwi sa tulong ng mga konduktor na nagbayad sa kaniyang pamasahe.

Gabi na ng Martes nang makauwi siya sa kanilang bahay. May sugat siya sa mukha na posibleng mula umano sa paso ng sigarilyo ng mga dumukot sa kaniya.

Sa kabila ng nangyari, nagpapasalamat ang magulang ni Patrick na nakabalik ng buhay ang anak.

Dahil sira ang nakakabit na CCTV ng lokal na pamahalaan sa lugar na dinaanan ni Patrick, hindi nakunan ang sinasabing nangyaring pagdukot sa binatilyo.

Naidulog na sa pulisya ang sinapit ng estudyante pero tumanggi muna silang magbigay ng pahayag habang patuloy ang kanilang imbestigasyon.

Tangkang pagdukot sa Pozorrubio

Samantala, ikinuwento naman ng 16-anyos na grade 8 student na itinago sa pangalang "Isabel," na isang lalaking sakay ng kotse ang nagtangkang dukutin siya habang pauwi na mula sa paaralan sa Pozorrubio.

Ayon kay Isabel, hinintuan siya ng isang lalaki na naka-kotse at tinutukan siya ng baril.

"Hindi naman po siya bumaba. Tinutukan lang po ako ng baril tapos sinabi niya po na 'pumasok ka.' Tapos bigla po akong tumakbo," saad ng dalagita.

Nakahingi raw ng tulong si Isabel at kaagad na umalis ang lalaking sakay ng kotse.
Dahil sa nangyari, hatid-sundo na ngayon ng kaniyang mga magulang si Isabel.

Pinaiimbestigahan na ng Department of Education- Pangasinan 2 Division ang naturang insidente. Habang isinasagawa ang imbestigasyon, naglabas din sila ng kautusan na higpitan ang seguridad ng mga pampublikong paaralang sakop nila.

Hindi rin muna nagbigay ng pahayag ang pulisya habang hindi pa tapos ang imbestigasyon

Source: GMA

Related Articles

Panoorin : Estudyante na umano'y dinukot sa Pangasinan, nagkamalay sa Quezon City
4/ 5
Oleh

SUBSCRIBE

Like the article above? Please subscribe for free via email