Friday, March 2, 2018

Lolo na tumatawid sa pedestrian lane, nahagip ng SUV


Isang 68-anyos na lolo ang naospital at nagkaroon umano ng pagdurugo sa utak matapos siyang mahagip ng isang SUV habang tumatawid sa pedestrian lane sa Los Baños, Laguna. Napag-alaman na nito lang Enero, isang babae rin ang nabundol sa naturang lugar.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita sa CCTV camera na tila nakikipag-patintero sa mga sasakyan ang biktimang si Jose Gonzales habang tumatawid sa tamang tawiran.


Sa halip kasi na magmenor o magbagal ang mga sasakyan sa pedestrian lane lalo na kung may makita silang tao na tumatawid, patuloy lang ang mga ito sa kanilang bilis.

Bagaman nakatawid sa kalahati ng kalsada, nabigo na siyang makarating sa kabilang bahagi ng tawiran nang mahagip na siya ng SUV.

"Kung mapapansin n'yo rin sa video, umilaw ang sasakyan, para gusto n'yang sabihin sa matanda na ako muna. Pero pedestrian lane dapat nag-slow down ka," sabi ni Budjong Balasoto, chairman ng Barangay Anos.

Duguan ang matanda pero tinulungan naman siya ng nakabangga at nangakong sasagutin ang gastos sa ospital.

Sa ospital, lumabas daw sa CT scan ng biktima na may namumuong dugo sa kaniyang utak.

Ayon sa anak niya na si Mylene Barason, may pagkakataon na hindi nakakakilala ang kaniyang ama.

Napag-alaman na noong Enero 3, isang babae rin ang nabundol sa naturang pedestrian crossing.

Batay sa tala ng Metro Manila Development Authority, mahigit 3,000 insidente ng pagkabangga o pagkasagasa ng pedestrian ang naitala noong 2017.

Ilan sa mga insidenteng naitala, nangyari mismo sa pedestrian lane at mahigit 100 ang namatay matapos masagasaan.

Paalala ng ulat sa mga motorista, magbigay sa mga tumatawid lalo na ang mga makikita sa pedestrian lane.

Source: GMA

Related Articles

Lolo na tumatawid sa pedestrian lane, nahagip ng SUV
4/ 5
Oleh

SUBSCRIBE

Like the article above? Please subscribe for free via email