Pagsasampa ng tax evasion laban sa Rappler, Rappler CEO pumalag


Hands off ang Palasyo ng Malacañang sa issue ng pagsasampa ng kasong tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) laban sa Rappler.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, dapat lang managot ang sinuman na mayroong pagkukulang sa pagbabayad ng buwis.

Paliwanag ni Roque, ang batas ay ipinatutupad kung talagang mayroong hindi nagbayad ng buwis ay dapat na managot sa ilalim ng batas.



Nabatid na aabot sa 133.8 million pesos ang hinahabol ng pamahalaan laban sa Rappler para sa taong 2015 kung saan sinasabi ng BIR na hindi nagbayad ang Rappler Holdings Corporation o RHC ng income tax at VAT nang bumili ng common shares mula sa Rappler Incorporated na umabot sa 19.2 million pesos.

Ipinare-review ni Rappler CEO at Executive Director Maria Ressa, ang record ng Bureau of Internal Revenue o BIR. Ito ay bunsod ng tax evasion case na inihain ng BIR sa Rappler ngayong araw.


Ayon kay Ressa, maayos at hindi nahuhuli sa pagbabayad ng tamang buwis ang Rappler. Minsan pa aniyang nabansagan ang Rappler bilang One of the Revenue Region 7’s top corporate tax payers, kaya’t walang basehan ang kasong inihain ng BIR laban sa kanila.

Ayon kay Ressa, bagama’t hindi nila ikinagulat ang hakbang na ito ng pamahalaan upang muli silang i-harass, gayunpaman, nakakagulat aniya ang bilis ng ginawang pagsasampa ng kaso ng BIR lalo’t nitong Lunes lamang, nang matanggap nila ang liham mula sa BIR kung saan ipinasu-sumite sa kanila ang 47 na dokumento at accounting records ng Rappler.

Sa kasalukuyan aniya, hindi pa sila nakakapagpasa ng kahit anumang dokumento. Ibig sabihin, wala pang naisasagawang eksaminasyon ang BIR kaugnay sa di umano’y tax evasion, kaya’t wala dapat basehan ang BIR sa pagsasampa ng kaso.

Source: RMN News
Previous
Next Post »
0 Comment