Alejano naghahanda na sa pagtakbo sa Senado sa 2019 elections


Nakatakdang magdesisyon ang grupong Magdalo Para sa Pagbabago na ilaban si Cong. Gary Alejano para sa Senado sa darating na halalan sa susunod na taon.

Ito ang malinaw na pahayag ni Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV sa lingguhang media forum ng Kapihan sa Senado.

Ani Sen. Trillanes, kasalukuyan silang nagdadaos ng isang malawakan at pambansang konsultasyon sa mga miyembro ng Magdalo at sa mga kaalyado nilang grupo tungkol sa pagtakbo ni Alejano sa 2019, kasama na ang mga nominasyon nito sa Mababang Kapulungan.


Dagdag ng senador, wala siyang nakikitang iba na maaring pumalit sa kanya sa Senado at magpatuloy sa mga prinsipyo ng Magdalo laban sa katiwalian kung hindi si Alejano.

“Katulad ko din yan, walang takot. Kailangan natin sa Senado ang mga walang takot. Isa ‘yang si Cong. Gary sa mga magigiting na miyembro ng Magdalo,” ani Trillanes na magtatapos na ang termino sa susunod na taon.

Magkasama si Sen. Trillanes at Cong. Alejano sa tinaguriang Oakwood mutiny noong 2003 kung saan tumindig ang Magdalo laban sa umiiral na katiwalian sa gobyerno.

Mula noon, naluklok na senador si Trillanes at si Alejano naman ay dalawang termino na bilang congressman.

Inirekomenda din si Alejano para sa Medal of Valor award, ang pinakamataas na parangal militar, dahil sa kanyang kabayanihan kontra MILF noong 2000.

Sinabi rin ni Sen. Trillanes na bukas sila sa pakiki-alyado sa ibang partido politikal na kapareho nila ng prinsipyo at adbokasiya.

Source: ABANTE


Previous
Next Post »
0 Comment