Tuesday, May 1, 2018

Magkakapatid na pulis na nag-viral sa social media, sinibak sa pwesto


Agad pinasibak sa pwesto ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang tatlong magkakapatid na pulis na nakuhaan sa video na kinompronta ang isang lalaki dahil sa away trapiko.

Kinilala ang mga pulis na sina PO3 Ralph Soriano ng Northern Police District (NPD), PO1 Reniel Soriano ng Drug Enforcement Group sa Camp Crame at PO1 Rendel Soriano ng Caloocan Police Station.


Naging viral ang video ng tatlo sa social media kung saan naka-civilian ang mga ito pero may nakasukbit na baril sa mga bewang nang sugurin ang lalaking si Ricardo Malaya.

Naganap ang away trapiko na kinasangkutan ni PO1 Reniel sa Mabini Street sa Caloocan City kung saan sumugod naman ang mga kapatid nitong sina PO1 Rendel at PO3 Ralph.

Iniutos agad ni Caloocan City Police Chief Senior Superintendent Restituto Arcangel na imbestigahan ang tatlong pulis na posibleng maharap sa kasong grave threat, grave oral defamation at alarm and scandal matapos ang reklamong inihain ng pamilya ni Malaya.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nag-viral ang video na ini-upload ni Jessie Malaya, anak ng lalaking hinahanap umano ng magkakapatid na pulis, na makikita ang mainit na pakikipagsagutan nila sa tatlong pulis.

Kuwento ni Jessie, armado raw ang mga lalaki nang sumugod sa kanila at nagmumura pa umano na kinilalang sina Police Officers 1 Rendel Soriano Reniel Soriano, at Police Officer 3 Ralph Soriano.

Si Rendel ay nakatalaga sa Caloocan Police, samantalang sina Reniel at Ralph naman ay sa Philippine National Police Drug Enforcement Group at sa Northern Police District.

"Kala mo may operation eh bigla na lang hinarang 'yung mga motor sa gitna ng gate namin eh. Pagdating na pagdating pa lang ho nila Sir eh nagmumura," sabi ni Jessie.

"Inangat 'yung t-shirt kung saan nakasukbit 'yung mga baril nila, pumunta sila dito mga nakainom sabay may mga dalang baril, 'yung isa may dala pang posas. Then nung tinutukan namin ng mga cellphone, eh ang dami naming kumukuha ng video sa kanila, namomopo na," dagdag pa niya.

Sa video, sinasabi ng mga pulis na nais lang nilang makausap ang "tao" na tumutukoy sa ama pala ni Jessie.

Humupa lang umano ang tensyon nang pumagitna ang tiyuhin ni Jessie na isang retiradong pulis. At makaraan ng ilang sandali, umalis na rin ang magkakapatid.

Ayon sa ulat, napanood na ng hepe ng Caloocan police ang insidente. Ipinagutos na rin niya ang pagdisarma kay Rendel habang sumasailalim sa imbestigasyon.

"Hindi naman namin tinotolerate 'yung mga pulis namin kung talagang meron silang ginawa na hindi tama," sabi ni Police Superintendent Restituto Arcangel, hepe ng Caloocan police.

Ayon sa ulat, hindi muna nagbigay ng pahayag ang mga pulis na sangkot sa insidente.

Source: RMN and GMA

Related Articles

Magkakapatid na pulis na nag-viral sa social media, sinibak sa pwesto
4/ 5
Oleh

SUBSCRIBE

Like the article above? Please subscribe for free via email