Saturday, May 19, 2018

Sereno, umalma sa umano'y 'panggigipit' ng gobyerno


Umalma si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa umano'y patuloy na panggigipit sa kaniya ng gobyerno.

"Sabi nila kahit daw na wala na ako sa hudikatura eh tuloy-tuloy daw ako gigipitin sa mga kaso eh . . . Panggigipit po sa lahat ng side. Malinaw na panggigipit talaga," hinaing ni Sereno.

Ayon kay Sereno, ilan sa kaniyang staff ay pinatatawag ng Department of Justice (DOJ) para pagpaliwanagin ng kanilang trabaho sa kaniyang tanggapan noong siya ay punong mahistrado pa.

"Dalawang tauhan ko ngayon ang sinubpoena na at pinasasagot ng Department of Justice para ipaliwanag ang ginawa nila nu'ng sila ay nasa hudikatura," ani Sereno sa panayam ng DZMM.

Naniniwala si Sereno na isa itong malinaw na "harassment" matapos siyang mapatalsik sa puwesto noong isang linggo sa pamamagitan ng quo warranto petition.

"Malinaw po [kung] ano talaga ang gusto, hindi lang ako tanggalin. Gusto talaga ipakita ang puwersa, ang kanilang kapangyarihan. Pang-aabuso po talaga," ayon kay Sereno.

Sumagot naman ang DOJ at sinabing parte lamang ng kanilang "procedure" ang paghahain ng subpoena sa sino mang respondent sa kaso.

"Our investigating prosecutors will issue subpoenas to any and all respondents as a matter of procedure. Certainly I will not consider this as an act of political harassment...The DOJ will not be used to advance any political purpose," paliwanag ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Hinamon naman muli ni Sereno si Pangulong Rodrigo Duterte na mag-resign dahil malinaw na umano ang kamay nito sa naging pagpapatalsik sa kaniya sa puwesto.

"Sa bibig ng presidente nanggaling na kung mapatunayang inimpluwensiyahan niya ang posisyon ng Kongreso o SC, eh magre-resign siya. So pinapaalala ko lang naman 'yung sinabi niya," ani Sereno.

Pag-alala ni Sereno, noong Abril 9 ay nagbitiw ng salita si Duterte na inuutusan ang mga kaalyado na alisin siya bilang chief justice.

Sa ngayon, ipinagdadasal ni Sereno na baliktarin ng Korte Suprema ang naging desisyon nito laban sa kaniya.

Sa Mayo 30 nakatakdang isumite ni Sereno ang kaniyang motion for reconsideration.

Source: ABANTE

Related Articles

Sereno, umalma sa umano'y 'panggigipit' ng gobyerno
4/ 5
Oleh

Berlangganan

Suka dengan artikel di atas? Silakan berlangganan gratis via email