De Lima, Sex video binuhay ni Duterte para panghinaan ako ng loob


Gusto umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na umatras siya sa pagharap sa Korte Suprema at sa pakikipagdebate kaugnay sa pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).

Ito ang tinuran ng detenidong si Senadora Leila de Lima kasunod ng muling pag-ungkat ng Pangulo sa umano’y sex video niya.

“Marahil gusto niya rin akong panghinaan ng loob at umatras sa posible kong pagharap sa Korte Suprema para tutulan ang desisyon niyang umurong ang Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court,” ani De Lima sa isang pahayag nitong Sabado.


Tanong ni De Lima, bakit umano takot na takot si Duterte sa isang babae na nagawa umano nitong maipakulong gamit ang imbentong mga kaso at ngayon ay ayaw pa rin siyang tantanan ng mga kalaswaan at kasinungalingan nito.

Aniya, ang ginagawa umano ni Duterte sa pagbuhay sa sex video ay maliwanag na paraan para ilihis ang atensiyon ng publiko sa mga napako nitong pangako at maraming kasalanan sa Diyos at sa bansa.

Matatandaang binantaan ni Pangulong Duterte si De Lima na ilalabas nito ang umano’y sex video ng senadora matapos tuligsain ng huli ang ginawang paghalik sa labi ng una sa OFW.

Muling binanggit ng Pangulo ang sex video umano ni De Lima sa pang-aasar naman nito kay Communist Party of the Philippines founding chair Jose Maria Sison, na nagsasabing sasama ang mga komunista sa mga pagkilos para patalsikin ang punong ehekutibo sa puwesto.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment