Ely Pamatong, naghain ng quo warranto petition vs Pres. Duterte


Nagsumite ng quo warranto petition laban kay Pangulong Rodrigo Duterte ang suspendidong abogado na si Ely Pamatong na idineklarang nuisance candidate o panggulong kandidato noong 2016 presidential election.

Sa kanyang anim na pahinang petisyon, tinukoy ni Pamatong na hindi kuwalipikado si Duterte na tumakbo noon sa pagka-pangulo dahil sa depekto sa kanyang certificate of candidacy.


Si Duterte ay substitute candidate ng kanyang kapartido sa PDP-Laban na si Martin Diño.

Pero ang orihinal umanong posisyon na nais takbuhan ni Diño ay para sa pagka-alkalde ng Pasay at hindi naman sa pagka-presidente.

Nauna nang ibinasura ng Comelec ang mga petisyon na kumukuwestiyon sa kuwalipikasyon ni Duterte sa pagtakbo sa pagka-pangulo at kabilang na rito ang petisyong inihain ni Pamatong.

Sa kanyang petisyon sa Korte Suprema, ipinaalam ni Pamatong na nanumpa si Duterte bilang caretaker ng bansa at nag-assume sa posisyon ng pagka-pangulo noong Hunyo 30, 2016.

Gayunman, sa ilalim ng Rule 66 ng Rules of Court, ang pinapayagan lamang na magsulong ng quo warranto petition ay ang Office of the Solicitor General, public prosecutor o kaya ay ang sinuman na naggigiit ng lehitimong karapatan sa posisyong inokupahan ng kinukuwestiyong opisyal.

Noong 2016 ay sinuspinde ng Korte Suprema ang lisensiya sa abogasya ni Pamatong dahil sa pang-iinsulto at mapanira nitong paratang laban sa isang hukom.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment