Drilon at Pangilinan: Huwag ipilit ang Cha-cha dahil ayaw ng bayan


Iginiit ng mga senador buhat sa oposisyon na lubayan na ng Malacañang at ng liderato ng Senado at Kamara ang pag-aapura sa Charter change (Cha-cha).

Ayon kay Senate minority leader Franklin Drilon, dapat nilang pakinggan ang pagtutol dito ng taumbayan.

Tinukoy ang resulta ng survey ng Pulse Asia na nagsasabing 67 porsiyento o dalawa sa bawat tatlong Filipino ang tutol na baguhin ang 1987 Constitution.


Sinabi ni Drilon na indikasyon ito na ayaw talaga ng bayan sa Cha-cha dahil hindi nakumbinsi sa kabila ng pinaigting na information drive ukol dito.

Wala umanong dapat sisihin dito kundi ang mga nagsusulong ng Cha-cha dahil sinasamahan ito ng plano na kanselahin ang eleksiyon na nakatakda sa Mayo 2019.

“The survey only confirms that, even if Congress rushes the procedure and passes a new charter that will pave the way for a federal form of government, people will reject it,” sabi ni Drilon.

Ayon naman kay Senador Kiko Pangilinan, pangulo ng Liberal Party, klaro nang ayaw ng bayan sa Cha-cha kaya hindi ito dapat pilit na ipalunok sa bayan.

“Para sa karaniwang mamamayan, hindi lang masama sa panlasa ang Cha-cha at pederalismo, hindi rin ito masustansiya o nakakabusog, baka pa may lason ng no-el at term extension. Isusuka ng bayan ang sapilitang pagsubo ng no-el at Chacha,” ani Pangilinan.

Binalaan nito ang Malacañang ukol sa higit na pagbagsak ng approval rating ni Pangulong Rodrigo Duterte at pagkatalo ng mga kandidato nito sa eleksiyon kapag pinuwersa ang Cha-cha.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment