Palasyo, Inasar ang Oposisyon dahil sa mataas na ratings ni Pangulong Duterte


Kinantiyawan ng Malacañang ang oposisyon dahil sa mataas na satisfaction at trust ratings ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kabila ng mga isyung ipinupukol sa kanyang administrasyon.

Kasunod ito ng lumabas na Pulse Asia survey kung saan 88% all- time high ang ratings ng Pangulo sa ikalawang bahagi ng taon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, na salungat ito sa survey na inilabas ng Social Weather Stations (SWS) kung saan bumagsak ang rating ng Presidente ng 11 puntos.

Pero hindi na aniya nakapagtataka dahil alam naman kung sino ang nagpapatakbo sa SWS na kamag-anak ng isa sa mga taga-oposisyon kaya bistado aniya ng publiko at netizens ang mga ito.

“Eighty-eight po, highest ever, highest ever. Kaya nga po sorry na lang sila, dream on pa rin sila. At kagaya ng aking sinasabi kanina, ang problema dito sa oposisyon, walang matinong ginagawa. Eh kung sila ba naman ay nakikipagdebate na lang ng issues kaysa naglalagay ng ganyang mga tarpaulin eh ‘di maniniwala pa ang taumbayan sa kanila. Kaya tuloy binasura sila, sinusuka sila ng ating bayan dahil puro katarantaduhan nga nangyayari ‘no, doon sa pinost siguro nila,” ani Roque.

Sinabi ng kalihim na dahil sa mataas na rating ng Presidente ay hindi nakapagtatakang maging ang Sri Lanka ay napapansin ang mga ginagawa nito para sa bansa.

Kailangan aniya ang oposisyon sa demokrasya para may pambalanse pero hindi sa paraang puro banat lang sa halip na ilagay sa tama ang mga ginagawa.

“Hindi nakapagtataka na hanggang Sri Lanka ay mayroong tagahanga si Presidente dahil dito sa Pilipinas, halos lahat ng Filipino, aprub na aprub sa mga ginagawa ng ating Presidente,” dagdag pa ni Roque.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment