Friday, July 13, 2018

WATCH | Sinalakay ng mga pulis: Dinakip ang kanilang mga 'kabaro' na sabit sa 'hulidap,' sa Muntinlupa


Sinalakay ng mga pulis ang isang police station sa Muntinlupa City para sagipin ang mag-ina na "dinukot" umano ng mga pulis na sangkot sa "hulidap." Ilan sa mga target na pulis, nagkulong sa isang kuwarto ng police station at nagtangka pang tumakas.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News TV "State of the Nation" nitong Biyernes, sinabing ang pagsalakay ay isinagawa ng mga tauhan ng Regional Special Operations Unit ng National Capitol Regional Police Office.

Target ng mga operatiba ng RSOU-NCRPO ang mga pulis-Muntinlupa na nagsagawa ng anti-drug operation sa isang bahay sa Barangay Tunasan nitong Huwebes ng gabi.

Sumbong ng biktima, pinasok ng mga pulis ang kanilang bahay kahit walang dalang warrant. Nang hindi makuha ang kanilang target, dinala umano ng mga pulis sa presinto ang asawa at anak nito para ipatubos ng P300,000 kapalit ng kalayaan.

Bumaba umano ang hinihinging pera ng mga pulis sa P40,000. Tinangay rin daw ng mga pulis ang flat screen tv, laptop at cellphone ng mga biktima.

Nang makakuha ng hudyat ang mga operatiba ng RSOU, sumugod na ang mga operatiba sa police station. Kaagad namang nagkulong sa loob ng isang kuwarto sa ikaapat na palapag ang ilan pa sa target na mga pulis.

Sinubukan ng hepe ng polise station na hikayatin ang kaniyang mga tauhan na lumabas pero nang hindi sila tumugon, sapilitan na itong pinasok ng mga operatiba.

May pulis din na nagtakang tumakas nang dumaan sa bintana kaya pinaputukan siya ng kaniyang mga kapwa pulis hanggang sa mahuli.

Hindi sa kulungan kung hindi sa isang sulok ng gym ng mga pulis sa ikaapat na nakita ng mga sumalakay na operatiba ang mag-ina na "kinuha" umano ng mga pulis na sabit sa hulidap.

Bagaman itinanggi ng mga pulis ang paratang, nakita sa kanilang drawer ang P40,000 na nakalagay sa brown na sobre.

Ayon sa nasagip na ginang, pinukpok pa siya sa ulo ng cellphone ng isang pulis kaya magkabukol siya sa noo.

Iginiit ng hepe ng Muntinlupa police na si Police Sr. Supt. Dionisio Bartolome, na hindi niya alam ang ginawa ng kaniyang mga tauhan at hindi niya kinukonsinti ang ginagawa ng mga ito.

Galit naman na sumugod sa Muntinlupa police station si NCRPO Chief Police Chief Supt. Guillermo Eleazar, at kinompronta ang mga pulis na dinakip.

Kaagad din niyang iniutos na ikulong ang mga pulis sa mismong police station.

Sasampahan umano ng patong-patong na kaso ang mga inarestong pulis.

Source: GMA

Related Articles

WATCH | Sinalakay ng mga pulis: Dinakip ang kanilang mga 'kabaro' na sabit sa 'hulidap,' sa Muntinlupa
4/ 5
Oleh

SUBSCRIBE

Like the article above? Please subscribe for free via email