Koko Pimentel, Huwag Ipilit ang Federalismo sa 2019


Aminado ang Federalism advocate na si Senador Koko Pimentel na mahihirapang ipasa ang panukalang Federal Form of Government bago ang May 2019 elections.

Sinabi ni Pimentel na sadyang mahabang debate pa ang usapin sa Pederalismo at kinakailangang magtiyaga ang mga tulad niyang advocate nito na ipaliwanag ang tunay na nilalaman ng panukala.

“Mahihirapan. Pero ang attitude ko na lang best effort kasi mahirap din naman pilitin kung hindi naman handa ang taumbayan. Ayoko rin naman pilitin na hindi naiintindihan sasagot ng yes pero hindi naman nila naiintindihan. Wag ganun,” sagot ni Pimentel sa tanong kung makakalusot ba ang panukalang Federalism bago ang eleksyon.

“So ung advocates tuloy-tuloy lang na magtiyaga, magsumikap magpaliwanag. Dahan-dahan ito. Meron lang kaming working target na 2019 na isabay na ang plebesito. Pag di namin nakamit yun eh di next target. Pag naaprub na ang federal constitution pwede namang stand alone na,” dagdag ng senador.

Hinimok din ni Pimentel ang Consultative Committee (ConCom) na ipaliwanag ang magiging gastos ng pagtatatag ng Federal Form of Government upang naliliwanagan anya ang lahat.

“Dapat ipaliwanag nila magkano ang total na gagastusin. Pero ang tao takot talaga sa pagbabago. Pag change na ang pinag-usapan kampante na tayo sa sistemang kinasanayan at kung magbabago ka talaga, talagang may gastos,” paliwanag pa ni Pimentel.

Naniniwala naman anya siya na sa simula lamang ang malaking gastusin dahil kinalaunan ay mas makakatipid ang gobyerno lalo’t ipauubaya na sa Regional Government ang pamamahala sa kanilang nasasakupan.

Kinontra rin nito ang pahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez na lalaki ang budget deficit sa Federalism.

“Wag sana nilang banggitin yung budget deficit kasi kahit unitary tayo may budget deficit. Grabe nga ang budget deficit, hindi mo nga ma-explain bakit ganyan kalaki,” diin ni Pimentel.

Source: ABANTE
Previous
Next Post »
0 Comment